Paano Binago ng YFC ang Buhay ng Isang OSY—Isang Kuwento ng Isda, Pangarap, at Tagumpay

Minsan, ang tagumpay ay nagsisimula sa pinakamaliit na hakbang—isang hakbang na puno ng pangarap at determinasyon. Ganito ang kwento ni Robert James Manansala, dating out-of-school youth (OSY) mula sa Camarines Norte, na ngayon ay kinikilala bilang isa sa mga pinakamatagumpay at hinahahangaan na young agripreneurs sa buong lalawigan.
 
Mula sa bangketa patungo sa pangarap
Bago pa man niya natamasa ang mga bunga ng tagumpay, si Robert ay isang simpleng kabataang kumakapit sa pag-asa sa kabila ng hirap ng buhay. Dahil sa matinding pangangailangan, napilitan siyang huminto sa pag-aaral at maghanapbuhay upang makatulong sa pamilya.
 
Nagsimula siya sa maliit—pagtitinda ng ornamental fish sa bangketa. Payak ang negosyong ito at umaasa lamang sa kakaunting suki na dumaraan. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, mas lalo siyang nagpunyagi. Pinag-aralan niya ang tamang pagpapalaki, pagpapakain, at pagpaparami ng isda hanggang unti-unti niyang nakitang may potensyal ang maliit na negosyo.
 
Ang pagdating ng Young Farmers Challenge
Ang determinasyon ni Robert ang nagdala sa kanya sa isang malaking pagkakataon—ang Young Farmers Challenge (YFC) ng Kagawaran ng Pagsasaka – Rehiyong Bikol. Noong 2023 YFC Start-Up Pitching, buong tapang niyang ibinahagi ang pangarap na palaguin ang RJM Ornamental Fish Culture. Nakita ng mga hurado ang kanyang dedikasyon at potensyal; kaya naman napili siyang awardee at tumanggap ng panimulang kapital na ₱80,000.
 
Malaki ang pagbabago ang naidulot nito. Nakabili siya ng mas maayos na kagamitan, naparami ang produksiyon ng kanyang mga isda, napaganda ang kalidad ng produkto, at—dahil sa mentoring—naisayos niya ang pagtatala, inventory, at kabuuang pamamalakad ng negosyo.
 
Hindi nagtagal, nanalo siya muli sa Regional Level at tumanggap ng karagdagang ₱150,000 bilang puhunan sa pag-aalaga ng ornamental fish, paggawa ng aquarium, at pagbibigay ng accessories sa aquarium set-ups.
 
Inobasyon at pagkilala
Isa sa mga lakas ni Robert ang kanyang pagiging malikhain at bukas sa inobasyon. Gumamit siya ng duckweed, azolla, at tube-fx worm bilang alternatibong pakain upang makatipid at gawing mas sustainable ang operasyon.
 
Kilala rin siya sa paggawa ng de-kalidad at abot-kayang malalaking aquarium, bagay na mas lalo pang nagpatanyag sa kanyang negosyo—hindi lamang sa Daet kundi maging sa mga kalapit na bayan.
 
Noong Abril 26, 2025, itinanghal si Robert bilang panalo sa Regional YFC Upscale Pitching na ginanap sa DA RFU 5 (AMAD), San Agustin, Pili, Camarines Sur. Sa harap ng mga hurado, inilahad niya ang kanyang inspirasyong “rags-to-riches” story—mula sa isang OSY sa bangketa hanggang sa pagiging matagumpay na agripreneur.
 
Pinuri ng mga hurado ang kanyang presentasyon at tinawag pa siyang “tunay na kuwento ng Young Farmers Challenge Awardee.” Dahil dito, tumanggap siya ng karagdagang ₱300,000 upang higit pang mapalago ang kanyang negosyo.
 
Tagumpay
Malayo na ang narating ni Robert. Ang dating OSY na nagtitinda sa bangketa ay mayroon na ngayong malaking stall sa New One, Daet, na may mas maraming ornamental fish at display na aquarium set-ups.
 
Dahil sa paglago ng negosyo, naipatayo niya ang kanilang bahay, nakabili ng motorsiklo, nakapagpalagay ng aircon, at nakabili pa ng videoke para sa pamilya. Upang maprotektahan ang higit 50 tanks ng kanyang alagang isda mula sa mga kingfisher, napalagyan na rin niya ang mga ito ng protective net.
 
Nakikilala na rin siya bilang resource speaker sa malalaking pagtitipon at nagiging panauhing tagapagsalita sa mga teleradyo ng kilalang mga host sa rehiyon.
 
Pananampalataya at pasasalamat
Para kay Robert, ang kanyang tagumpay ay hindi lamang bunga ng YFC kundi ng sariling determinasyon, sipag, tiwala sa sarili, at higit sa lahat, pananampalataya sa Poong Maykapal.
 
“Kung hindi dahil sa Young Farmers Challenge at sa mga taong naging bahagi nito, marahil nasa bangketa pa rin ako hanggang ngayon. Ang YFC ang nagbigay ng oportunidad para mabago ang buhay ko. Kahit isang Out-of-School Youth, kayang magtagumpay kung mabibigyan ng pagkakataon—at pagyayamanin ang pagkakataong iyon,” ani Robert.
 
Isda, pangarap, at tagumpay
Ang paglalakbay ni Robert James Manansala ay patunay na walang imposible para sa kabataang may pangarap, pagsusumikap, at bukas sa pagkakataon. Mula sa isda, umusbong ang pangarap—at mula sa pangarap, sumibol ang tagumpay.
Share via
Copy link