Sa bawat pagpatak ng ulan sa tuyong lupa, sa bawat hampas ng alon sa malawak na karagatan, ay naroon ang mga kamay na walang sawang lumilikha ng buhay at kabuhayan – ang ating mga magsasaka at mangingisda. Tahimik man silang kumikilos sa likod ng mga taniman at laot, sila ang tunay na haligi ng ating Lipunan: mgs tagapagpakain ng bayan, tagapangalaga ng kalikasan, at tagapagtanggol ng ating kinabukasan.
Sa kabila ng bigat ng kanilang responsibilidad at lawak ng kanilang kontribusyon sa pambansang ekpnomiya, madalas silang nakakalimutan, isinasantabi, at higit sa lahat, naiiwan sa laylayan ng pag-unlad. Habang ang iba ay tinatamasa ang bunga ng masaganang ani at masarap na pagkain sa hapag, sila ay patuloy na nakikipagsapalaran sa gitna ng lumalalang epekto ng pagbabago ng klima, mataas na gastusin sa produksiyon, at mapang-aping kalakaran sa pamilihan.
Ngayong Linggo ng Magsasaka at Mangingisda, hindi sapat ang palakpak o simpleng parangal. Dapat nating iwagayway ang ating pinakamataas na respeto at pagkilala sa kania – sapagkat sa bawat butil ng palay, sa bawat huli ng isda, at naroon and kanilang pawis, tiyaga, at pananampalataya sa bayan.
Sila ang tunay na tagapagsalba ng ating seguridad sa pagkain. Sila ang una sa bukid bago sumikat ang araw, at huli sa pag-uwi habang ang iba ay mahimbing nang natutulog. Sila ang humaharap sa unos, tagtuyot, at panganib sa laot, hindi para sa sarili lamang, Kundi para sa bawat Pilipino. Sa kanila, ang paglilingkod ay hindi trabaho Kundi isang banal na tungkulin.
Ngunit higit sa pagkilala, ang panawagan ay para sa tunay na konkretong aksyon. Panahon nang tapusin ang deka-dekadang kapabayaan. Dapat tayong magkaisa upang tiyakin na ang ating mga magsasaka at mangingisda ay may sapat na suporta mulasa akabagong teknolohiya, hanggang sa mga imprastrukturang kayang humarap sa mga hamon ng panahon. Kailangang tiyakin ang patas na kita sa mas malawak na akses sa pautang, crop insurance, at climate adaptation funds, upang hindi na sila lagiang nasa bingit ng pagkakalugmok tuwing may sakuna.
Ang pag-unlad ng bansa ay hindi maaaring maabot kung ang mga ugat na nagpapakain dito ay tuyo at pinababayaan. Hindi lamang sila tagapagtustos ng pagkain – sila ay tagapag-ingat ng ating kultura, ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino na may malalim na ugnayan sa lupa at dagat.
Sa pag gunita ng Linggo ng Magsasaka at Mangingisda, itaas natin ang ating tinig at paninindigan: pahalagahan, igalang, at paglingkuran ang mga kamay na literal na bumubuhay sa ating bayan. Huwag nating hayaan na manatiling pangarap lamang ang kaginhawaan para sa kanila. Sa halip, gawin nating realidad ang isang makatarungan, makatao, at makabayang sistemang pang-agricultural at pangisdaan.
Sa bawat butil ng bigas, sa bawat huli ng isda, ay naroon ang kanilang pangarap para sa mas Magandang bukas. Nasa ating mga kamay ang tungkuling gawing makakamtan ang pangarap na iyon.
Sa tunay na bayaning Pilipino – magsasaka at mangingisda – isang taus-pusong pagpupugay at panata: hindi kayo nag-iisa.
Share via:
