Dinagsa ng suporta ng mga Camnorteño runners ang kauna-unahang “Run for Rice” sa bansa, kung saan humigit-kumulang isang libong kalahok ang aktibong nakiisa sa 5.5K Run for Rice na matagumpay na isinagawa noong Nobyembre 8, 2025 sa Provincial Capitol Grounds, Camarines Norte. Ito rin ay nilahukan ng kawani ng Department of Agriculture Regional Field Office V sa pangunguna ni Earl Vincent Vargas, Regional Rice Focal Person at Hepe ng Field Operation Division.
Ang nasabing fun run na may temang “5.5K Run for Rice: Takbo para sa Magsasakang Camanorteño” ay pinangunahan ng Agri-Run Club, sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Camarines Norte sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (PGCN–OPAg). Ang karera ay nagsimula sa Provincial Capitol Ground, patungo sa Barangay Borabod, at pabalik muli sa kapitolyo.
Pinangunahan ang aktibidad nina Provincial Agriculturist/Agri Run Club Founder Engr. Almirante A. Abad at Agri-Run Club Leader Engr. Jay Canaria, na naglalayong bigyang-pugay ang mga rice farmers ng lalawigan, isulong ang adbokasiya para sa sustainable at sapat na produksyon ng palay, at hikayatin ang responsableng pagkonsumo ng bigas kasabay ng pagpapalaganap ng iba pang alternatibong staple food sources tulad ng saging, kamote, at mais sa Camarines Norte. Bahagi rin ang aktibidad ng pagdiriwang ng Rice Awareness Month, na naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng bigas at ng sektor ng palay sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Ipinabatid ng mga tagapag-organisa na ang malilikom na pondo mula sa aktibidad ay ilalaan bilang tulong sa mga kababayan nating kapos-palad sa Barangay Lidong, Basud, Camarines Norte, bilang pagpapakita ng malasakit at pagbabahagi sa komunidad.
Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat ang Agri-Run Club sa mahigit 40 sponsors at partners mula sa pampubliko at pribadong sektor na sumuporta at nag-ambag sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad. Pinuri rin ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna nina Acting Governor Engr. Joseph V. Ascutia at Acting Vice Governor Dennis L. Riel, gayundin ang kooperasyon ng iba’t ibang ahensya at organisasyon na naging bahagi ng programa.
Ang matagumpay na Run for Rice ay patunay ng pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan sa pagsusulong ng adbokasiya para sa agrikultura, kalusugan, at kapakanan ng mga magsasaka, at nagsisilbing inspirasyon sa mga susunod pang inisyatibang naglalayong paunlarin at ipagdiwang ang sektor ng palay at bigas sa lalawigan.
More photos here:
5.5K RUN FOR RICE 2025 EASY PACE BY YOYOY PANDI ALBUM
Share via:

