Run for Rice: Isang Hakbang, Isang Butil, Isang Bayan

Hindi lamang pawis at bilis ang naging puhunan ng mga lumahok sa Run for Rice, kundi higit sa lahat, kamalayan at malasakit para sa isa sa pinakamahalagang haligi ng ating bansa—ang palay at bigas. Sa pagdiriwang ng Rice Awareness Month, ang aktibidad na ito ay nagsilbing makapangyarihang paalala na ang seguridad sa pagkain ay hindi lamang responsibilidad ng mga magsasaka, kundi ng bawat Pilipino.
 
Sa bawat hakbang ng mga mananakbo, binibigyang-diin ang kahalagahan ng bigas bilang pangunahing pagkain ng sambayanang Pilipino. Ngunit higit pa rito, isinusulong ng Agri Run Club ang mas malalim na usapin—ang kalagayan ng ating mga magsasaka, ang hamon ng pabagu-bagong klima, ang pagtaas ng gastos sa produksyon, at ang pangangailangang pahalagahan ang lokal na ani.
 
Sa panahong laganap ang pag-aaksaya ng pagkain at labis na pag-asa sa imported na bigas, ang Rice Awareness Month ay nagsisilbing panawagan upang baguhin ang pananaw at gawi ng publiko. Ang Run for Rice, bilang isang makabago at inklusibong inisyatiba, ay epektibong nagdurugtong sa adbokasiya at aktibong pakikilahok ng komunidad—mula 
kabataan hanggang propesyunal, mula atleta hanggang 
ordinaryong mamamayan.
 
Hindi sapat ang simpleng pagkilala sa halaga ng bigas tuwing may selebrasyon. Kinakailangan ang tuloy-tuloy na suporta sa mga programang magpapalakas sa lokal na produksyon ng palay, magpapataas sa kita ng magsasaka, at magtitiyak ng sapat at abot-kayang bigas sa bawat 
hapag-kainan. Ang Run for Rice ay isang paalala na ang maliliit na hakbang—kapag pinagsama-sama—ay maaaring magbunga ng malalaking pagbabago.
 
Sa huli, ang tunay na diwa ng Run for Rice ay hindi nasusukat sa oras ng pagtakbo o distansyang natapos, kundi Sa kamalayang naiwan sa bawat kalahok. Dahil ang pagtataguyod sa bigas ay pagtataguyod sa buhay, sa kultura, at sa kinabukasan ng sambayanang Pilipino.
 
Tumakbo tayo hindi lamang para sa kalusugan, kundi para sa bawat butil ng bigas na bumubuhay sa bayan.

 

Share via
Copy link