Noong Mayo 29–30, 2025, isinagawa ang pagsasanay tungkol sa Pili Production at Manila Elemi Tapping sa Municipal Training Center ng Basud, Camarines Norte. Dumalo rito ang mga magsasakang nagtatanim ng pili.
Sa unang araw, pinasimulan ito sa opening program. Tinalakay ang mga bahagi at uri ng pili, gamit at pakinabang nito, tamang paraan ng pagkuha ng lupa para sa pagsusuri, at ang benepisyo ng Trichoderma. Sinundan ito ng mga leksiyon sa tamang pagtatanim, pagpapalago, pagpapatubo sa nursery, pag-iwas at pagkontrol sa peste at sakit, wastong paglalagay ng abono, at proseso ng pagkuha ng dagta ng pili.
Sa ikalawang araw, isinagawa ang aktwal na demonstrasyon ng Manila Elemi tapping—ang pagkuha ng dagta mula sa puno ng pili. Ang Manila Elemi ay may mataas na halaga sa merkado. Ipinakita rin ang tamang paraan ng grafting at inarching propagation.
Ibinahagi ng ilan ang kanilang kasiyahan at interes sa bagong kaalaman sa produksyon ng pili lalo na sa pagproseso at pagbebenta ng dagta nito. Ito ay makakatulong sa kanila para sa dagdag ani at kita.
Natapos ang pagsasanay sa pagbibigay ng sertipiko at pasasalamat mula sa mga magsasaka.
Share via:

