Noong ika-22 ng Marso 2024, ang Pamahalaang Panlalalwigan ng Camarines Norte, sa pangunguna ng Office of the Provincial Agricultursit (OPAg), ay nagsagawa ng isang mahalagang pagsasanay na naglalayong magbigay ng karagdagang kaalaman sa mga magsasaka patungkol sa tamang paggamit at mga benepisyo ng Trichoderma harzianum. Ang pagsasanay ay ginanap sa Mangkasay, Paracale, Camarines Norte at ito ay dinaluhan ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Ang Trichoderma harzianum, ay isang uri ng fungus activator, kilala rin bilang amag, na ginagamit bilang organikong alternatibo sa mga kemikal na pataba. Ito ay dumadaan sa proseso ng pagpapalago sa agar oatmeal medium upang maging epektibo bilang decomposer ng mga agricultural waste tulad ng dayami, tangkay ng palay, at mga pinutol na damo. Ang paggamit ng Trichoderma harzianum ay hindi lamang nagpapabilis ng decomposition period, kundi nakakatulong din ito sa pagpaparami at pagpapalalim ng ugat ng mga pananim, gayundin sa pagpapabuti ng pagsipsip ng sustansiya ng lupa.
Isa sa mga pangunahing layunin ng aktibidad ay mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka sa pagbili ng mga commercial o synthetic fertilizers, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga ito. Sa pamamagitan ng paggamit ng Trichoderma harzianum, mabibigyan ng mas murang alternatibo ang mga magsasaka na makaktulong sa pagpapalago ng kanilang mga pananim nang hindi kinakailangang gumastos nang malaki sa mga kemikal na abono.
Ang OPAg ay patuloy na nagsusulong ng mga proyektong pang-agrikultura na naglalayong matulungan ang mga magsasaka sa pagpapababa ng gastos habang itinataguyod ang likas-kayang pagsasaka. Ang Trichoderma harzianum ay libreng ipinamamahagi sa mga interesadong magsasaka, at hinihikayat silang makipag-ugnayan sa tanggapan ng OPAg upang makapagpareserba, dahil sa limitadong suplay ng stock nito.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng OPAg na gawing produktibo at mas masustansiya ang mga sakahan sa lalawigan, habang isinasaalang-alang ang kalikasan at ang pangmatagalang kapakinabangan ng organikong pagsasaka.
Share via:

