“Sa bawat pag-tap at pag-swipe, ang mga magsasaka ay humuhubog ng isang mas maliwanag at masaganang bukas.”
Matagumpay na naisagawa ang tatlong (3) araw na pagsasanay para sa dalawang (2) batch ng Digital Farmers Program (DFP). Ang unang batch ay ginanap sa Municipal Agriculture Office, Mercedes, Camarines Norte noong Oktubre 16-18, 2025, at ang ikalawang batch naman ay sa Batobalani Barangay Hall, Paracale, Camarines Norte noong Nobyembre 13-15, 2025. Nilahukan ito ng tig-dalawampu’t limang (25) magsasaka mula sa mga bayan ng Mercedes at Paracale.
Sa pagsasanay, itinuro sa mga magsasaka ang paggamit ng iba’t ibang mobile applications tulad ng Binhing Palay, Leaf Color Chart, Minus One Element Technique (MOET), Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS), e-Damuhan, Agridoc, Plant Doctor, SPIDTECH, Social Media Marketing, e-Learning para sa Agri-Fisheries, Field Area Measurement, Windy, at QR Code Technology. Nagkaroon din ng mga praktikal na demonstrasyon upang ipakita ang epektibong paggamit ng mga nasabing apps, partikular sa pagkilala ng peste at sakit ng pananim, pagbawas sa pangangailangang manual, at pagbibigay ng agarang solusyon sa mga suliraning pang-agrikultura.
Layunin nitong bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga kalahok sa paggamit ng mga digital tools gaya ng smartphones, social media, mobile applications, at e-commerce platforms na may kaugnayan sa agrikultura. Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga magsasaka na mapadali at mapahusay ang kanilang pagbebenta ng ani, na makakatulong sa kanilang pangkabuhayan.
Sa pagtatapos ng pagsasanay ay nagpahayag naman ng pasasalamat ang ilan sa kanila sa mga ahensiyang nagtulungan upang maisakatuparan ang pagsasanay na ito.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa ay patuloy na isinusulong ang modernisasyon sa agrikultura upang mapalakas ang produksyon at mapabuti ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka sa tulong ng makabagong teknolohiya.
Share via:

