Editorial: Pagpapahintulot ng Korte Suprema sa Pagpasok ng Malalaking Barko Pangisda sa Munisipal na Katubigan: Isang Paghamon sa Kapakanan ng Maliliit na Mangingisda

Ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman sa G.R. No. 270929 na ipinalabas noong Agosto 19, 2024, na nagpapatibay sa desisyon ng Regional Trial Court (RTC) Malabon noong Disyembre 11, 2023, ukol sa mga seksyon ng Republic Act 8550, na inaamyendahan ng Republic Act 10654. Ito rin ang basehan para mabigyan ng pahintulot ang mga komersiyal na mamalakaya para makapangisda sa mga munisipal na katubigan na may layong 15 kilometro mula sa baybayin. Ang ruling na ito ay naglatag ng isang bagong legal na hakbang sa sistema ng pangingisda. Pinapayagan na ngayon ang mga komersyal na barko pangisda na mag-operate sa mga katubigan na dati ay eksklusibo para sa mga maliliit na mangingisda, batay sa Fisheries Code ng 1998 na naglalayong protektahan ang mga yaman ng dagat para sa mga lokal na komunidad. Sa desisyong ito, pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang ilang probisyon ng batas na nagpoprotekta sa mga munisipal na katubigan at binigyan ng legal na basbas ang komersyal na pangingisda sa mga lugar na ito.
 
Ang hakbang na ito ay nagbukas ng pinto para sa malalaking operasyon na mangisda sa mga katubigan na dating itinuturing na protektado para sa maliliit na mangingisda. Maaaring magsilbing precedence ito para sa mga lokal na munisipal na katubigan sa buong bansa, na magdudulot ng mga bagong hamon para sa mga mangingisdang umaasa sa mga maliliit na saklaw ng dagat bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.
 
Bagamat may mga positibong argumento na nagsasabing ang komersyal na pangingisda ay maaaring magdulot ng benepisyo sa ekonomiya, tulad ng pagtaas ng produksyon ng isda at mga bagong trabaho, hindi maikakaila na ang desisyong ito ay maglalagay ng malaking panganib sa mga likas na yaman ng dagat na itinakda na ng batas para sa maliliit na mangingisda. Ang mga munisipal na katubigan ay isang mahalagang bahagi ng kabuhayan ng mga mangingisdang walang kakayahang magtangkilik ng mas modernong teknolohiya o mga malalaking barko. Sa pagpasok ng malalaking operasyon sa mga katubigan na ito, maaaring mawalan ng kabuhayan ang mga lokal na mangingisda at magdulot ng labis na pagnipis ng mga isda at coral reefs, na magreresulta sa mas malalim na krisis sa sektor ng pangingisda.
 
a ganitong kalagayan, kailangan ng masusing pagsusuri at pag-iingat upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng pag-unlad ng industriya ng pangingisda at ang proteksyon sa mga mangingisdang umaasa lamang sa munisipal na katubigan para sa kanilang kabuhayan. Dapat ay isaalang-alang ang mga hakbang na magpoprotekta sa kalikasan at magbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat ng mangingisda—malalaki man o maliliit.
 
Sa halip na gawing komersyal ang mga munisipal na katubigan, marapat na magpatuloy ang mga programa at polisiya na magsusustento sa mga maliliit na mangingisda at magpapaigting sa mga hakbang upang maprotektahan ang ating mga karagatang nakapaligid sa ating mga komunidad. Ang bawat hakbang na gagawin natin ay dapat may malasakit sa mga mangingisda ng bayan, at sa kalikasan na nagbibigay buhay sa kanila. Ang desisyong ito ng Supreme Court ay isang hamon hindi lamang sa mga mangingisda kundi pati na rin sa mga policymaker at sa buong bansa upang maghanap ng mga solusyon na hindi magdudulot ng pagkalugi sa mga maliliit na komunidad ng mangingisda. Kung hindi ito mabibigyan ng tamang pansin, posibleng mauwi ito sa higit pang problema sa sektor ng pangingisda at kalikasan sa mga susunod na taon.

 

Share via
Copy link