22 BAEW at Farmer leaders, Nagtapos sa Pagsasanay sa Paggawa ng Likas na Panlaban sa Peste

Isang matagumpay na taunang pagsasanay ang isinagawa ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) para sa 22 Barangay Agricultural Extension Workers (BAEW) at Farmer Leaders ng Bayan ng Daet, Camarines Norte. Ang nasabing pagsasanay na may pamagat na “Mass Production of Biological Agents (BCA’s)”, ay ginanap noong ika-23 ng Mayo sa Daet Municipal Farm, Camambugan, Daet, Camarines Norte.
 
Ang programa, na pinonduhan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng OPAg at naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng DA-Regional Crop Protection Center (DA-RCPC), ay naglalayong ipakilala at sanayin ang mga kalahok sa paglikha ng mga BCAs bilang tugon sa pagsugpo ng mga peste at sakit ng halaman. Kabilang dito ang Trichoderma harzinum, Metharhizium, Beauveria, Isaria, at ang pagpaparami ng earwig.
 
Dahil sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga BAEW at Farmer leaders sa pamayanang agricultural, sila ang pangunahing binigyan ng pagsasanay upang magamit ang kanilang natutunan sa kani-kanilang mga barangay. Sila rin ang magiging mga gabay at tagapagturo sa mga magsasaka upang maisabuhay ang kaalaman sa kanilang local na pamayanan.
Nagbigay ng mga aktwal na pagsasanay sa paggawa ng mga BCAs ang mga eksperto mula sa DA-RCPC, na sinigurong may sapat na kakayahan ang mga kalahok sa mass production ng mga nabanggit na ahente laban sa peste. Bawat isa ay nakatanggap ng starter kit at mother culture bilang simula ng kanilang operasyon.
 
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nakamit ng 22 BAEW at Farmer Leaders ang kanilang Certificate of Completion. Sa kanilang mga ngiti at pag-asa, dala nila ang bagong kaalaman na tiyak na pakikinabangan ng kanilang kapwa magsasaka, na magpapatibay sa kanilang mga ani at magpapalakas sa kanilang komunidad.
Share via
Copy link