Dalawampu’t Limang Magsasaka, Sinanay sa Paggawa ng Organikong Pataba: Hakbang Tungo sa Likas-Kayang Pagsasaka

Noong ika-9 ng Mayo ng kasalukuyang taon, ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ay muling nag-sagawa ng isang mahalagang pagsasanay para sa mga magsasaka, na nakatuon sa likas-kayang pamamaraan ng pagsasaka. Ang pagsasanay ay isinaga sa Municipal Function Hall ng Basud, Camarines Norte at dinaluhan ng 25 magsasakang benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
 
Ang mga kawani ng OPAg ang nagsilbing mga tagapagsanay, na nagturo ng mga alituntunin at proseso sa paggawa ng iba’t ibang uri ng organikong pataba tulad ng katas ng burong halaman (Fermented Plant Juice), katas ng burong prutas (Fermented Fruit Juice), at fish amino acid (FAA). Layunin ng pagsasanay na bigyan ng tamang kaalaman ang mga magsasaka sa paggawa ng organikong pataba gamit ang mga likas na yaman mula sa kapaligiran. Ito ay isang hakbang upang mabawasan ang paggamit ng mga kemikal na pataba at maiwasan ang sobrang gastusin ng mga magsasaka sa kanilang sakahan.
 
Sa unang bahagi ng programa, sina Engr. Jay Q. Canaria at Bb. Airene M. Quiňones ang nanguna sa pagpapaliwanag ng mga materyales at pamamaraan sa paggawa ng organikong pataba. Detalyadong tinalakay nila ang tamang proseso ng aplikasyon at paggamit ng bawat concoction sa iba’t-ibang uri ng pananim. Bukod dito, nagkaroon din ng hands-on na demonstrasyon kung saan mismong ang mga kalahok ang naghalo at naghanda ng mga organikong pataba na kanilang magagamit sa kanilang mga taniman.
 
Bilang dagdag-suporta, namahagi ang OPAg ng mga drum bilang imbakan ng mga ginawa nilang concoctions upang kanilang magamit sa kanilang sakahan. Naniniwala ang tanggapan na sa pamamagitan ng paggamit ng organikong pataba, makakatulong ito sa mga magsasaka upang mabawasan ang kanilang mga gastusin at mapabuti ang kalidad ng kanilang ani.
 
Ang OPAg ay patuloy na naglulunsad ng mga proyektong tutulong sa mga magsasaka upang maging produktibo, masagana, at higit na mapakinabangan ang kanilang kabuhayan, habang isinusulong ang likas-kayang pagsasaka para sa pangmatagalang benepisyo ng kalikasan at komunidad.
Share via
Copy link