LET’S GO DIGITAL!

Tatlumpong (30) Barangay Agricultural Extension Workers (BAEWs) mula sa mga bayan ng Jose Panganiban, Mercedes, Vinzons at Talisay ang dumalo at nakilahok sa tatlong araw na pagsasanay na may kinalaman sa Digital Farmers Program (DFP). Ito ay ginanap sa Maligat Integrated Farm, Sto. Domingo, Vinzons, Camarines Norte mula ika-27 hanggang ika-29 ng Pebrero, 2024. Ang DFP ay itinataguyod ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute at Smart Communications, sa pakikipagtulungan ng Digital Agriculture and Innovation Center ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA).
 
Ang pangunahing layunin ng DFP ay bigyan ang mga BAEW ng kaalaman at kasanayan sa paggamit ng mga digital tools gaya ng smartphone, social media, mobile applications na may kaugnayan sa agrikultura. Kasama rin dito ang mga platapormang pinansiyal at e-commerce upang mas mapahusay ang pamamaraan ng pagsasaka at mapalawak ang mga oportunidad para sa mas mabilis at epektibong pagbenta ng ani na makakatulong nang malaki sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.
 
Itinuro dito ang paggamit ng iba’t ibang mobile applications tulad ng Binhing Palay, Leaf Color Chart, Minus One Element Technique (MOET), Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS), E-Damuhan, Agridoc, Plant Doctor, SPIDTECH, Social Media Marketing, E-Learning para sa Agri-Fisheries, Field Area Measurement at QR Code Technology. Nagkaroon din ng mga praktikal na demonstrasyon upang ipakita ang pagiging epektibo ng mga tools na ito sa pag-kilala ng mga peste at sakit sa pananim, pagpapababa ng manual labor, at pagbibigay ng agarang solusyon sa mga hamon sa bukid.
 
Ang mga BAEWs ay ang magsisilbing katuwang ng mga magsasaka sa pag- access ng kinakailangang impormasyon para makagawa ng mas mahusay na desisyon sa kanilang pagsasaka. Sa ganitong paraan, mabibigyan sila ng mas malalim na pg-unawa at kakayahan upang isulong ang mas makabagong pamamaraan sa agrikultura.
 
Noong ika-3 ng hapn, Pebrero 29, taong kasalukuyan, lahat ng tatlumpong (30) BAEWs (17 babae at 13 lalaki) ay matagumpay na nagsipagtapos. Maraming kalahok ang nagpaabot ng kanilang pasasalamat sa mga nag-organisa ng pagsasanay, na kanilang itinuturing na isang mahalagang hakbang tungo sa pag-unlad ng kanilang komunidad.

Mga litrato mula sa ATI Bicol

Share via
Copy link