Naging matagumpay ang isinagawang Rice Harvest Festival ng Provincial Hybrid Rice Technology Demonstration na ginanap sa Awitan, Daet, Camarines Norte noong ika-28 ng Marso 2022 na dinaluhan ng mahigit 280 katao na nagmula sa ibat-ibang ahensya at grupo ng magsasaka. Ito ay sa pagtutulungan at pamamahala ng Department of Agriculture, Office of the Provincial Agriculturist at Municipal Agriculture Office – Daet. Ang Technology Demonstration ay may kabuuang sukat na 100 ektarya na tinamnan ng bagong talata 17 uri ng hybrid rice mula sa 7 Hybrid Rice Companies na nagsimula noong Disyembre 2021. Nakiisa rito ang ibat-ibang mga kumpanya tulad ng Bayer, Corteva, Leads Agri, LongPing, Seed Works, SL Agritech at Syngenta na ibinida ang kani-kanilang mga barayti ng palay.
Layunin ng nasabing programa na maipakita ang makabagong teknolohiya sa pagtatanim at pamamahala ng hybrid rice upang makatugon ang mga magsasaka sa pag-abot ng masaganang ani at mataas na kita. Kasama rin dito ang pagbuo ng cluster area sa nasabing lugar upang magkaroon ng pagkakaisa ang mga magsasaka at matugunan ng pamahalaan ang ibat-ibang pangangailangan nila pagdating sa produksyon ng palay.
Nagsagawa rin ng farm walk sa 7 estasyon ng seed companies na magpapakita o magpapaliwanag sa naging resulta ng barayti ng kanilang palay at technical information presentation bilang bahagi ng technology demonstration at promotion. Nagsagawa rin ng sensory testing ng kanin mula sa kanilang ani. Dito ay sinuri ng mga trader, miller, retailer at consumers ang aroma, flavor, tenderness, moistness at stickiness nito.
Nagbigay naman ng mensahe si Provincial Agriculturist, Engr. Almirante A. Abad na binigyang papuri at pasasalamat ang lahat ng naging kabahagi ng proyekto sa matagumpay na pagdaraos ng Provincial Hybrid Rice Techno Demo sa lalawigan. Sinundan ng mensahe nina Mr. Gabriel Atole, Regional Officer ng Fertilizer and Pesticide Authority, Mr. Earl Vincent Vegas, Regional Rice Focal Person ng Department of Agriculture – 5 at Mr. Roberto U. Sale, Provincial Administrator bilang kinatawan ni Governor Edgardo A. Tallado.
Share via:

