Cash and Food Subsidy para sa magtatanim ng mais, umarangkada

Naging matagumpay ang isinagawang cash and food subsidy program sa lalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA RFO-5) katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) sa ilalim ng Corn and Cassava Program. Dahil sa nakalipas na mga bagyo at peste na nagdulot ng labis na pagkalugi sa mga pananim na mais ng mga magsasaka sa lalawigan kaya ito isinagawa. Ito ay dinaluhan ng mga benepisyaryong magsasaka ng mais, kinatawan ng Department of Agriculture at Office of the Provincial Agriculturist na ginanap naman sa Agro Sports Center, Daet, Camarines Norte. Ang nasabing programa ay naglalayon na mabigyang tulong ang mga magsasaka na rehistrado sa RSBSA o lehitimong magsasaka ng mais na may sukat na hindi tataas sa isang ektaryang lupain ang sinasaka. Nakatanggap ang bawat isa ng tatlong libong piso (P 3,000) halaga ng cash voucher at dalawang libong piso (P 2,000) halaga ng bigas, itlog at manok o may kabuuang limang libong pisong halaga (P 5,000). Hinikayat rin ang mga ito sa pagpapalakas ng produksiyon ng mais sa lalawigan at tinalakay ang ibat-ibang programa at benepisyo mula sa pamahalaan tulad ng Seed Subsidy Assistance at iba pa. Umabot sa 70 magtatanim ng mais ang naging benepisyaryo ng programa.
 
Lubos ang pasasalamat ng mga magsasaka sa programang ito ng Department of Agriculture sapagkat malaking tulong ito lalo na sa panahon ng pandemya upang makapagsimula muli sa darating na panahon ng pagsisimula ng pagtatanim. Ilan lamang ang mga ito sa mga programang isinusulong ng Kagawaran ng Pagsasaka na naglalayong matulungan ang mga magsasaka tungo sa pagkamit ng masaganang ani at mataas na kita sa ating bansa. 
Share via
Copy link