OPAg staff, dumalo sa pagsasanay ukol sa Newswriting at Basic Photography

“Kapag may kwento, dapat may kwenta at kapag may kwenta, dapat may kwento.” – mga katagang binitawan ng Provincial Agriculturist ng Camarines Norte na si Engr. Almirante A. Abad bilang bahagi ng kanyang mensahe sa isinagawang pagsasanay ukol sa pagsulat ng balita at pagkuha ng larawan. Ang dalawang araw na pagsasanay ay ginanap sa Audio Visual Room, Provincial Capitol Building na dinaluhan ng mga piling kawani ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).
 
Ang naturang pagsasanay ay naglalayong paunlarin ang kakayahan ng bawat kawani sa larangan ng pagsulat ng balita at pagkuha ng larawan bilang bahagi na rin ng maayos na pagpapahayag ng mga accomplishments ng nasabing opisina.
 
Sa unang bahagi ay tinalakay ni Gng. Emilia B. Bordado, Editor-in-Chief ng newsletter na Umasenso  (DA bicol in-house publication) ang mga dapat tandaan sa pagsulat ng maganda at organisadong balita. Samantala, ibinahagi naman ni G. Eduardo D. Collantes, Jr., photographer ng nabanggit na newsletter ang kanyang kaalaman sa photography o pagkuha ng larawan.
 
Malaking bagay ang naging dulot ng pagsasanay sa mga partisipante pagdating sa paggawa ng balita, maging sa pagkuha ng larawan. Nadevelop at nadagdagan pa ang kaalaman at kakayanan ng bawat isa kung saan ito’y isang magandang simula para sa maayos na pagbibigay ng impormasyon sa mga mambabasa lalung-lalo na sa mga magsasaka at mangingisda.
Share via
Copy link